Dalawang pulis, kabilang ang municipal police chief ng Ampatuan, Maguindanao, ang nasawi sa pananambang nitong Martes.

Sa police spot report, kinilala ang biktima na si Police Lieutenant Reynaldo Orcine Samson, hepe ng Ampatuan police, at si Police Corporal Salipuden Talipasan Endab.

Agad na nasawi ang dalawa sa nangyaring pananambang, habang sugatan ang tatlo pang pulis.

Sinasabing kagagawan ng grupong pinamumunuan ng isang Guipar Abdulkarim,  o ni Bantukan Andog, alyas Cmdr Boy Jocket, ang ambush.

Ayon sa ulat, magsisilbi sana ng arrest warrant ang mga pulis laban sa isang Kamir Kambal, alyas Meds, na may kasong robbery with violence, nang tambangan sila ng mahigit 10 armadong kalalakihan sa Barangay Kapinpilan.

Nagsasagawa ng hot pursuit operations ang mga awtoridad upang maaresto ang mga salarin.

Ayon sa Twitter post ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Police Major Regie Albellera, tagapagsalita ng Maguindanao Provincial Police Office, kinokondena nila ang karumal-dumal na pagpatay sa hepe ng Ampatuan.

Inalis din umano sa kaniyang puwesto ang Maguindanao Police Provincial Director, dahil sa nangyaring pagkakapatay kay Samson.--FRJ, GMA News