Pinagsasaksak at napatay sa inuupahang apartment ang isang 18-anyos na babae sa Biñan City, Laguna. Ang suspek sa krimen, ang lalaki na dating karelasyon umano ng ina ng biktima.

Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ng pulisya ang biktima na si Jonaflor Gura, ng Barangay Timbao.

Kinilala naman ang suspek na si Joyson Abejuela, na naaresto sa hot pursuit operation sa Las Piñas City sa tulong na rin ng mga mismong kaanak niya.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na pinagbabantaan umano ng suspek ang ina ng biktima dahil gusto nitong makipagbalikan.

Ayon pa sa pulisya, pinuntahan ng suspek ang apartment ng mag-ina pero tanging ang biktima lang ang kaniyang inabutan at napagbuntunan ng galit.

Sinabi naman ng testigo na nadinig nilang humingi ng saklolo ang biktima nang may lalaking nagpumilit na pumasok sa apartment.

Dinatnan ng mga awtoridad ang duguang katawan ng biktima at hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Nakatakas naman ang suspek pero nahuli rin kinalaunan sa tulong na rin mismo ng mga kaanak nito. Nahaharap siya sa reklamong murder.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang ina ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News