Inusig umano ng konsensiya kaya sumuko sa pulisya sa Maynila ang isang lalaki na suspek sa pagpatay sa babaeng nakita ang bangkay sa isang garahe sa Baguio City noong Agosto 30.

Sa ulat ni Jeric Pasilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon," kinilala ng pulisya ang suspek na si Reneval Ponce, 31-anyos.

Nitong Setyembre 7 umano sumuko sa pulisya sa Maynila ang suspek matapos na usigin ng konsensiya sa pagkamatay ng biktimang si Juliet Bajar Hesim, 22-anyos.

Nakita ang bangkay ni Hesim na walang saplot pang-ibaba at nakataas ang dami sa isang garahe sa Trancoville sa Barangay A. Tabora.

Aminado umano si Ponce na lango siya sa ilegal na droga nang gawin ang krimen. Siya rin umano ang naglagay ng duck tape sa kamay at bibig ng biktima.

Pero ang kasabwat umano niya sa krimen na kilala lang niya sa alyas na Emenem, ang sumuntok at sumakal sa biktima.

Si Ponce umano ang kumontak at nagdala kay Hesim kay Emenem, na nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa nauwi sa krimen.

Nasa kostudiya na ng Baguio police si Ponce, at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan at mahuli si Emenem. --FRJ, GMA News