Sugatan ang isang football referee matapos umanong tamaan ng kidlat sa Bago City, Negros Occidental, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Nasa gitna raw ng football field ang biktimang si Charlie Panes at ang mga manlalaro ng Rotary Club Football Tournament nang biglang kumidlat.

Una raw tumama ang kidlat sa puno ng acacia na nasa gilid ng oval pero tila dumaloy daw ang kuryente papunta sa gitna. Doon na raw tinamaan si Panes.

Pinulikat daw si Panes at nahirapan huminga. Kasalukuyan na siyang nagpapagaling sa ospital.

Wala namang ibang nasaktan sa insidente. —KBK, GMA News