Limang babae--kabilang ang dalawang menor de edad-- na ibinubugaw umano sa prostitusyon ang nasagip ng mga awtoridad sa Bulacan. Ang estilo raw ng pambubugaw ng suspek, mala-drive-thru.

Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras” nitong Martes, inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTD) ang suspek na umano'y bugaw na si Mark Abucay.

Nasagip ng awtoridad sa operasyon ang limang babaeng biktima, kabilang ang dalawang menor de edad.

Ayon sa ulat, inilalako raw ng suspek ang mga biktima gamit ang tila ‘online menu’ na makikita ang litrato ng mga babae.

“Kapag may nagustuhan ang customer, parang nagkakaroon ng drive-thru. Dinadaanan ng customer ang mga victim sa isang lugar at dinadala ito sa hotel,” pahayag ni NBI spokesperson Atty. Gisele Garcia-Dumlao.

Inaalam na ng NBI ang iba pang kasabwat ng suspek sa sex trafficking group na nag-o-operate sa Bulacan.

Sinisikap pa rin ng GMA News na makuha ang panig ng suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children, Expanded in Trafficking in Persons Act at Child Abuse Law. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News