Dahil sa pagtugon sa “tawag ng kalikasan,” umihi umano ang isang taxi driver sa gilid ng kaniyang sasakyan habang nakatigil sa gitna ng daan sa Iloilo City. Ngayon, ang tawag naman ng Land Transportation Office-Region VI ang kailangan niyang tugunan, at damay pati ang operator ng taxi.

Sa ulat ng GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Huwebes, ipinakita ang video ng insidente na mula sa LTO-VI, sa ginawang pag-ihi ng driver na nangyari umano sa highway na bahagi ng Barangay San Rafael sa Mandurriao.

Sa video, nakatigil ang taxi, bukas ang isang pintuan habang umiihi sa gilid nito ang driver, at may dumadaan na ibang sasakyan.

Sa pahayag ni LTO-6 Regional Director Atty. Gaudioso P. Geduspan II, nagpalabas sila ng Show Cause Order para sa operator at driver ng taxi, at kailangan nilang magsumite ng paliwanag kung bakit hindi sila dapat sampahan ng kaso.

"A public utility vehicle is not just another car on the road," ani Geduspan. "It’s driver is expected to observe traffic rules, exercise courtesy and professionalism, and avoid conduct that could endanger or inconvenience the riding public and other motorists."

Ayon pa kay Geduspan, ang ginawa ng driver ay hindi naaayon sa maayos, magalang, responsable at propesyonal na pag-uugali na inaasahan sa mga driver ng pampublikong sasakyan.

Maaari pa umano nitong naharangan ang ibang sasakyan na dahilan ng pagbagal ng daloy ng trapiko sa lugar.

Ang insidente ay maaari umanong ituring na paglabag sa Title IV, Item 7 ng Joint Administrative Order No. 2014-01, na sumasaklaw sa pagkuha ng mga “reckless, insolent, discourteous or arrogant drivers,” na daan upang papanagutin ang operator o ang may hawak ng prangkisa.

Binanggit din ng Intelligence and Investigation Unit ng LTO-6 ang Section 54 ng Republic Act No. 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code, na nagbabawal sa pagpapatakbo ng mga sasakyan na makakaharang o makakasagabal sa pagdaan ng iba pang sasakyan sa daan.

Binigyan ang taxi operator ng limang working days mula sa pagtanggap ng Show Cause Order upang magpaliwanag. Pinatutukoy rin sa operator kung sino ang nagmamaneho ng sasakyan nang mangyari ang insidente.

Kailangan din magpaliwanag ng driver at isumite ang photocopy ng kaniyang valid driver’s license.

“Public utility drivers are reminded that being behind the wheel means being accountable—not only for how you drive, but also for how you conduct yourself on the road,” ayon sa pahayag.—FRJ GMA News