Kinagigiliwan ng netizens ang isang rescue puppy na nagngangalang si “Che-che,” dahil sa kaniyang pagngiti na may kasamang pagwagwag ng buntot sa tuwing tinatawag ng furmom na umampon ang kaniyang pangalan.
Bago nito, taliwas daw ang awra ni Che-che bago siya masagip mula sa isang resort sa bayan ng Samboan, Cebu noong nakaraang buwan.
Ibinahagi ni Minerva Gerodias sa GMA News Online, na isa si Che-che sa mga tuta na natagpuan ng kaniyang pamilya nang magbakasyon sila sa resort noong nakaraang Agosto lang.
Bonding noon ng kanilang pamilya, at kasama nila ang mga pinsan na dumating mula sa Maynila at U.S., na kanilang pinaghandaan ng masasarap na pagkain.
Kalaunan, lumapit sa kanila ang mga tuta dahil sa sobrang dami ng pagkain. Tila magmakaawa sila na maabutan ng makakain. Kahit gutom, nananatil silang mailap kaya hindi basta-basta mahahawakan.
Hanggang sa maisipan nilang ampunin na ang mga tuta. Subalit magiging pahirapan kung papaano sila mahahawakan upang maisama sa pag-alis mula sa resort.
“Kaya ang ginawa ko, naglagay ako ng dalawang food bowls, sinamahan ko ng masasarap na pagkain sa isang collapsible cage. Pumasok sila sa hawla dahil gutom na sila,” sabi ni Gerodias.
Dinala ni Gerodias ang mga tuta sa kaniyang bahay para alagaan sila ngunit medyo natagalan bago makuha ang kanilang loob at mapaamo.
Kamakailan lamang, nasanay at naging mainit na rin ang pakikitungo ng mga tuta sa kanila. Hanggang sa nagsimula nang ipakita ni Che-che ang kaniyang “winning smile.”
"Ngayon namin natuklasan na ganiyan pala siya ngumiti kapag tinatawag mo ang pangalan niya dahil hindi na siya natatakot. Nasanay na siya sa bahay ng pinsan ko,” masayang kuwento ni Gerodias.
Sampung taon nang nagsasagip si Gerodias ng mga hayop. Suportado namanng kaniyang pamilya ang kaniyang ginagawa. Sa kasalukuyan, mayroon silang humigit-kumulang 60 pusa at 50 aso na inaalagaan. – Jamil Santos/FRJ GMA News

