Naglabas ng pahayag si AiAi delas Alas tungkol sa muling pagpapakasal ng kaniyang ex-husband na si Gerald Sibayan na nasa Amerika.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Huwebes, inihayag ni Boy Abunda ang reaksyon ni AiAi tungkol sa balitang nagpakasal na muli si Gerald sa ibang babae doon.

“Alam naman natin na mangyayari ‘yan. Expected ko ‘yan nung hiniwalayan niya ako,” ayon sa aktres.

Idinagdag ni AiAi na kailangan ni Gerald na magpakasal sa Amerika para manatili ito sa nasabing bansa.

“Sana lang huwag niyang gawin sa iba ang ginawa niya sa akin,” dagdag ng aktres.

Dati nang sinabi ni AiAi na naghain siya ng revocation sa green card petition ni Gerald matapos silang maghiwalay.

Ayon kay Tito Boy, nagbiro pa si AiAi nang magkausap sila at sinabi nito na hayaan na nila si Gerald.

“At least, naka-suit siya hindi naka-polo lang," sabi ni AiAi.

"Basta ang alam ko, English-speaking ang babae na pinakasalan niya. Kasi dalawang buwan bago ako iniwan ni Gerald, Ingles na rin ang pakikipag-usap niya sa akin,” dagdag niya.

Nagpasalamat din si AiAi sa mga mensahe ng pagmamahal at suporta sa kaniya.

Tiniyak din niya na walang dapat na ipag-alala sa kaniya at Ok lang siya.

“Okay na okay po ako sa tulong ni Lord at Mama Mary. Huwag na po kayong magpapaapekto sa pagpapakasal niya dahil hindi naman po ako apektado. Matagal na po akong moving forward,” sabi pa ni AiAi.

October 2024 nang ihayag ni AiAi sa "Fast Talk with Boy Abunda" na naghiwalay na sila ni Gerald matapos ang 10 taon na pagsasama.—FRJ GMA News