Inaresto ng mga awtoridad ang isang 19-anyos na lalaki sa Pangasinan dahil sa panghahalay umano sa isang 12-anyos na babae noong nakaraang taon. Pero paliwanag ng suspek, hindi niya ginahasa ang biktima dahil may relasyon sila.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, kinilala ng pulisya ang suspek na si Jan Carlos Guevarra, na wanted sa kasong panggagahasa sa Bulacan.

“Based on the investigation, ay mag-boyfriend so nagkaroon sila ng sexual relationship. But the issue here, minor 'yung bata,” ayon kay San Jose Del Monte Bulacan Police chief Colonel Rannie Lumactod.

Nangyari ang krimen noong nakaraang taon at  nagtago na ang suspek nang sampahan siya ng kaso.

“Nagpalipat-lipat ng kaniyang pinagtataguan hanggang sa matunton ng ating operatiba dito po sa Barangay Warey, Malasiqui, Pangasinan,” ani Lumactod.

Mariing itinanggi ng suspek ang alegasyong panggahasa bagaman inamin niyang nagtago siya dahil sa takot.

“Hindi po totoo ‘yun [ginahasa ang babae]. One year and six months po kami ng girlfriend ko na ‘yun… Ano po ‘yung mama ko po natakot po baka ikulong po ako dahil 18-year-old lang po ako noon,” ani Guevarra.

Una rito, sinabi ni Philippine National Police chief Police General Rodolfo Azurin Jr., na bagamat pababa ang bilang ng insidente, isa ang rape sa tatlong pangunahing krimen na iniulat sa mga awtoridad sa nakalipas na anim na buwan.

“For both six months period, theft, rape and physical injury registered as three most prevalent crimes,” saad ni Azurin. -- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News