Nasawi ang isang babae nang sumabit ang minamaneho niyang tricycle sa nakalaylay na kable sa Mangaldan, Pangasinan. Sa Dagupan City naman, isa ang nasawi at tatlo ang sugatan nang sumalpok sa AUV ang sinasakyan nilang garong.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, sinabing idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Evangeline Bautista, 52-anyos.

Ayon sa pulisya, tinatahak ng biktima ang kalsada sa Barangay Bari, nang sumabit ang kaniyang tricycle sa nakalaylay na kable na dahilan para bumaliktad ang minamaneho niyang sasakyan.

Nagtamo umano ng matinding sugat ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Wala pang pahayag ang kaniyang mga kaanak, ayon sa ulat.

Samantala, sakay naman ng garong ang apat na kalalakihan nang masalpok sila ng kasalubong na AUV sa De Venecia Highway Extension sa Barangay Pantal sa Dagupan City.

Nasawi ang 17-anyos na si Joshua Nataniel Natividad. Sugatan naman ang 18-anyos nilang driver, at dalawa pa nilang kasamang menor de edad.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na wala umanong lisensya na magmaneho ang driver ng garong.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng mga biktima, pati na ang driver ng AUV, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News