LUCENA CITY - Dalawa ang patay kabilang ang isang pulis habang sugatan ang isa pa sa aksidenteng nangyari sa Maharlika Highway, Kanluran Mayao, Lucena City, Quezon nitong Biyernes.

Nangyari ang aksidente pasado alas-singko ng hapon nang magkasalpukan ang isang tricycle at isang police motorcycle at may dumaang pick-up.

Nakilala ang nasawing pulis na si Police Staff Sergeant Rodante Madurog na siyang rider ng police motorcycle. Hindi naman napangalanan ang isa pang biktima na siyang pasahero ng tricycle.

Ayon sa report ng Lucena City Police Station, nag-overtake sa isang sasakyan ang tricycle dahilan para makasalpukan nito ang paparating na police motorcycle.

Sa tindi ng salpukan ay tumilapon ang driver ng tricycle pati na ang babaeng pasahero. Tumilapon din si Madurog.

Dead on the spot ang babaeng pasahero ng tricycle matapos siyang mahulog mula dito at masagasaan ng isang dumaraang pick-up.

Agad isinugod sa pagamutan si Madurog at ang driver ng tricycle na ngayon ay nasa kritikal na kondisyon.

Sa pagamutan na binawian ng buhay si Madurog.

Laking panghihinayang ng mga kabarong pulis na kasamahan ni Madurog sa serbisyo.

Samantala, sa mga oras na ito ay hindi pa makunan ng pahayag ang driver ng tricycle na nag-overtake. —KG, GMA Integrated News