Nahuli-cam ang pagbundol at pagkaladkad ng isang humaharurot na tricycle sa tumatawid na babae sa Pozorrubio, Pangasinan.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, makikita ang 67-anyos na ginang habang tumatawid sa kalsada sa bahagi ng Barangay Palacpalac.

Ayon sa pulisya, malapit nang makarating sa kabilang bahagi ng kalsada ang biktima nang bigla siyang nabundol ng tricycle.

Hindi rin kaagad nakapreno ang tricycle at nakaladkad nito sa kabilang bahagi ng kalsada ang biktima.

Nagtamo ng sugat ang ginang at isinugod sa ospital kung saan siya nagpapagaling.

Samantala, sugatan naman ang driver ng isang tricycle nang bumangga siya sa likuran ng isang truck sa Barangay Napo, Magsingal sa Ilocos Sur.

Dinala sa pagamutan ang lalaki at handa naman daw ang driver ng truck na tumulong sa pagpapagamot sa biktima.--FRJ, GMA Integrated News