Dead on spot ang isang 17-anyos na binatilyo matapos itong pagbabarilin habang dumadalo sa isang victory party sa isang fiestahan sa Barangay Dahican, Catanauan, Quezon dakong 10:20 nitong Sabado ng gabi.

Sugatan din ang isang babae na nadamay at tinamaan ng ligaw na bala.

Ayon sa Catanauan Municipal Police Station (MPS), sakay ng motorsiklo ang suspek at kaagad na tumakas matapos maisagawa ang krimen.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang biktima na kinilalang si John Matthew Ricamara.

Patuloy ang imbestigasyon ng Catanauan Police upang matukoy ang salarin at malaman ang motibo sa krimen.

Ligtas na ang babaeng tinamaan ng bala ng baril, habang nasa isang punerarya na ang mga labi ng binatilyo. —LBG, GMA Integrated News