Pitong katao ang sugatan matapos sumalpok ang kanilang sinasakyan na tricycle sa isang Elf truck nitong Linggo ng hapon sa Maharlika Highway, Brgy. Tanauan, Plaridel, Quezon.

Sa report ng Plaridel Municipal Station, mga vendors ang mga sakay ng tricycle na nanggaling sa Tagkawayan, Quezon at pabalik na sana sa Muntinlupa City.

Mabilis raw ang takbo ng tricycle nang matanggal ang isang gulong nito hanggang sa mawalan ng control sa manibela ang driver at sumalubong ito sa kabilang linya dahilan para masalpok ng paparating na Elf truck.

Sa tindi ng salpukan ay wasak na wasak ang tricycle at tumilapon ang mga sakay nito.

Mabilis namang rumesponde ang mga rescuer ng BFP at tinulungan ang mga sugatan para maisugod sa pagamutan sa Atimonan, Quezon.

Hawak na ng mga pulis ang driver ng Elf truck habang nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon. —Peewee Bacuño /VAL, GMA Integrated News