Nakunan sa video ang panggagapos at panununtok ng dalawang opisyal ng barangay sa isang lalaki matapos nitong nagnakaw umano ng bigas sa Iloilo City.

Sa ulat ni Kaitlene Rivilla ng GMA Regional TV One Western Visayas, mapapanood ang lalaki na nakahandusay sa kalsada at pinagtutulungang itali ng mga opisyal ng Barangay Sto. Domingo sa bayan ng Arevalo.

Ilang saglit pa, pinagsusuntok na ang lalaki ng isang barangay official na nakaitim at ng isa pa na naka-checkered na damit.

Maririnig sa video ang pagsigaw at pag-iyak ng lalaki habang ginagapos at sinusuntok.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na dinakip ang lalaki sa video matapos magnakaw umano ng bigas sa isang tindahan.

Dagdag ng pulisya, may psychological defect umano ang lalaki kaya nagkaroon ng grappling o pagpupumiglas noong dinakip ito.

Tinungo ng GMA Regional TV One Western Visayas ang barangay hall ng Brgy. Santo Domingo pero walang opisyal ng barangay ang humarap.

Hindi pa nakapagbigay ng komento ang punong barangay.

Maaaring maharap sa kasong physical injuries at administratibo ang mga opisyal ng barangay na nanakit umano sa lalaki. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News