Sugatan sa pananaksak ang isang babae matapos na holdapin ng isang lalaki sa Alaminos, Laguna.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nakuhanan sa CCTV camera ang suspek habang tumatakas matapos na holdapin ang babae at nobyo nito.

Hinabol ng nobyo ang suspek, habang naiwan ang kaniyang nobya na duguan sa pinangyarihan ng krimen.

“Nakipag-agawan po yung biktima dito sa suspek. Nagawa po na nasaksak po kaya naagaw po ang kaniyang shoulder bag,” ayon kay Police Captain Edwon Goyena, ng Alaminos, Laguna Police Station.

Kaagad na nagsagawa ng operasyon ang pulisya hanggang sa umabot sa paanan ng isang burol kung saan pinaniniwalaang tumakbo ang suspek.

Itinuro naman ng mga residente kung nasaan ang suspek na nasukol kinalaunan ng mga awtoridad at nadakip.

“Itong suspek na pong ito ay notorious. Dati na rin pong nahuli ng ating mga tauhan sa Alaminos sa kasong illegal drugs,” ayon kay Goyena.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na kumpirmadong tinukoy ng biktima, na maayos na ang kalagayan at nakalabas na ng ospital.

“Yung suspek po ay positively identified po ng ating biktima through CCTV, at itong suspek ‘di na po naka-tanggi kasi mismo po itong hinablot niya sa biktima ay nakuha natin,” ayon kay Goyena. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News