Nasawi ang isang tatlong taong gulang na batang lalaki matapos siyang masagasaan ng dump truck sa Mandaue City, Cebu.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na iniulat din sa Saksi, mapapanood sa CCTV ng Brgy. Paknaan na naghihintay ang biktimang si Gelo Detrago at ang kaniyang 7-anyos na kuya na makatawid sa abalang kalye.

Ilang saglit lamang ang lumipas, lumiko pakanan ang isang dump truck malapit sa kanila at pumunta sa direksyon ng mga bata. Dito na nagulungan ang biktima, pero hindi nasaktan ang kaniyang kuya.

Nadala pa sa ospital ang batang lalaki pero pumanaw din kalaunan.

Lumabas sa imbestigasyon na patungo sana ang magkapatid sa bahay ng kanilang ama at lola. Hiwalay na ang kanilang mga magulang, at nasa trabaho noon ang kanilang ina.

"Kung bakit umabot sila roon na ang layo. Ito siya, kung ihahatid ko Saturday afternoon evening sa kaniyang papa, dito dadaan sa tulay. Dinala ng kaniyang kapatid dahil hihingi daw ng piso sa kanilang nanay. Sinabihan pa ng kapatid na huwag pumunta dahil walang tao roon,” sabi ni Mary Ann Gustilo, ina ng mga biktima.

“Last Sunday before akong pumunta sa church, nag-kiss ako sa kaniya. ‘Bye anak, kasi baka pagbalik ko roon ka sa sa iyong ina. Hindi na kita makita. Next Sunday ulit. ‘Yon na ang last kong nakita siya. Masyadong masakit. Nahirapan akong matanggap,” sabi ni Angelon Detrago, ama ng biktima.

Dinakip ng pulisya ang driver ng dump truck na si Ryan Velasquez, 37-anyos, ngunit pinatawad at ni-release rin siya ng pamilya ng biktima.

Sinagot ng operator ng truck ang gastusin at pagpapalibing sa bata. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News