Patay sa tama ng mga bala sa katawan ang isang ginang matapos pagbabarilin habang papunta sa palengke sa Cabuyao City, Laguna.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Maricel Reston, 38-anyos.

Ayon sa pulisya, kasama ni Reston ang kaniyang mister nitong hatinggabi ng Lunes nang lapitan sila ng salarin sa Sitio Gulayan sa Barangay Niyogan sa nasabing lungsod.

Bigla na lang umanong pinagbabaril ng salarin si Reston na nagtamo ng walong tama ng bala mula sa kalibre .9mm na baril.

Sa takot, tumakbo naman at nakaligtas ang mister ng biktima.

Inaaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen. Kabilang sa tinitingnan anggulo ang negosyong paupahan at pautang ng biktima.

"Tinitingnan namin yung mga anggulo na may pinalayas sila sa pinapa-board nila or may iba silang nakaaway. Ang sabi naman ng asawa ng victim, kinokontra niya lahat ng aming assumption. Nagre-relay kami sa other witness na malapit sa area," ayon kay Police Leiutenant Colonel Jack Angog, hepe ng Cabuyao City Police Station.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at sinikap na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News