Isang inhinyero ang nakitang patay at may tama ng bala ng baril sa loob ng sasakyan sa Taal, Batangas.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Ramuel del Rosario.

Nakita ang biktima sa driver seat ng sasakyan na nakatigil sa hangganan ng Barangay Tulo at Barangay gahol nitong Sabado ng madaling araw.

Nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa ulo ng biktima.

Ayon sa pulisya, isang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa crime scene.

Batay sa ulat ng pulisya, nagtatrabaho bilang inhenyero ang biktima at residente ng Barangay Munlawin sa bayan ng San Nicolas sa Batangas.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa motibo sa krimen.-- FRJ, GMA Integrated News