Patay ang isang delivery rider sa Baguio City matapos siyang masagasaan ng truck na tinangka umanong unahan ng biktima.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, sinabing nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang 29-anyos na biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Ayon sa pulisya, binabagtas ng biktima ang Loakan Road nang subukan niyang mag-overtake sa truck pero may makakasalubong siyang sasakyan.

"Binalak ng victim na mag-overtake siya. Nag-overtake siya doon sa left pero nung may makakasalubong na siya, nag-maneuver siya after niya bumalik (ng linya ng daan) kaya lang na-miscalculate," ayon kay Police Captain Angie Dongpaen, spokesperson, Baguio City Police Office.

Samantala, nasawi naman ang 50-anyos na si Satur Eslit, nang sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang poste sa Magsingal, Ilocos Sur.

Sa lakas ng pagkakabangga, nabali ang poste at halos matumba na.

Hindi pa batid kung bakit bumangga ang biktima sa poste. Ayon sa kaanak, hindi naman umiinom ng alak ang biktima. --FRJ, GMA Integrated News