Inabutan ng mga rescuer na sugatan at nakahandusay sa mga batuhan sa ilalim ng Malagonlong bridge sa Tayabas, Quezon ang isang babae na itinulak umano ng kaniyang ka-live in.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Berlyn Obsemiya, 28-anyos. Naaresto naman ang suspek na si Jerome Pabuyao.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang dalawa at galing umano sa birthday party nang magkaroon ng pagtatalo habang nasa daan.

Tumigil umano ang dalawa sa ibabaw ng tulay sa Barangay Lakawan at muling nagkaroon ng argumento. Dito na umano naitulak ng suspek ang biktima at bumagsak sa mabatong bahagi ng ilalim ng tulay.

Nahaharap sa reklamo frustrated homicide ang lalaki, habang patuloy na na nagpapagaling sa ospital ang biktima.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang dalawa, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News