Labis ang pighati ng isang ina sa pagpanaw ng kaniyang 21-anyos na anak na marami umanong pangarap para sa kanila matapos na sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa kasalubong na truck sa Lemery, Batangas.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si John Benedick Catibog.

Ayon sa pulisya, pauwi na galing sa trabaho ang biktima, at binabagtas ang Diokno Highway sa bahagi ng Barangay Mayasang sa Lemery nang sumalpok siya sa truck na minamaneho ni Gerry Potot, 50-anyos.

"Yung motor ibig sabihin mabilis. Kasi nung tiningnan natin yung CCTV kasi pilit niya ring kabigin para doon sa right of way niya, nasagi niya bandang huli yung side ng truck. Doon na siya umislide," ayon kay Police Major Gerry Abalos, cheif, Lemery police station.

Idineklara umanong dead on arrival sa pagamutan ang biktima.

Masakit man sa ina ng biktima ang nangyari, tanggap na niya na hanggang doon na lang ang buhay ng kaniyang anak na marami raw sanang pangarap para sa kanila.

Nakapagbigay na raw ng paunang tulong ang kompanya na nagmamay-ari ng truck, at nagkaroon na nang pag-uusap ang dalawang panig, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News