Nagkagulo sa loob ng isang pampasaherong jeepney sa Capas, Tarlac nang bigla na lang umanong tutukan ng patalim ng isang menor de edad na lalaki ang katabi niyang pasahero na babae.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, ipinakita ang video na nahuli-cam na nagkakagulo sa loob ng pampasaherong jeep.

Ayon sa biktimang babae, bigla na lang siyang tinutukan ng patalim ng suspek na katabi niya sa jeep habang nasa biyahe.

Nagpambuno ang dalawa hanggang sa napahiga na sila sa sahig ng sasakyan.

Tumulong naman ang ibang tao para mailigtas ang babae.

Ayon sa pulisya, nang dalhin sa himpilan ng pulisya ang suspek, lumitaw na menor de edad ang lalaki.

Ipinatawag nila ang municipal social welfare office, at batay umano sa paunang pagsusuri sa suspek ay may kapansanan umano ito sa pag-iisip.--FRJ, GMA Integrated News