Huli sa CCTV ang brutal na pagpatay sa isang babae ng kanyang live-in partner sa Bukidnon.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa 24 Oras Weekend, makikita sa CCTV video na kumakalat online ang pambubugbog ni Elson Jamisola, 27, sa kanyang live-in-partner na si Kimberly Achas sa kanilang bahay sa Don Carlos, Bukidnon.

Sa gitna ng pagtatalo, binuhat ng lalaki ang kanilang siyam na buwan na sanggol at inilagay sa sofa. Maya-maya ay nahulog ang sanggol sa sahig, pero tila walang pakialam ang suspek, na patuloy ang pagsabunot, pagkaladkad, pagsusuntok at paghahampas ng upuan kay Achas—hanggang sa pagsasaksakin ng suspek ang babae gamit ang basag na salamin.

Nasawi ang 22-taong-gulang na biktima, na nagtamo ng 16 na saksak sa leeg.

Ginagamit ng pulisya ang CCTV footage sa imbestigasyon. Ayon sa pulisya, sinubukan daw tumakas ni Jamisola pero agad rin itong naaresto.

"Hinostage daw niya sa loob iyong maybahay niya tsaka iyong anak niya kaya agad kami nagresponde doon," ani Don Carlos deputy chief of police Police Captain Angel Winston Alon Salvacion.

Inabutan raw ng pulisya na humihinga pa si Achas, pero sana raw ay agad silang natawagan ng mga nakarinig sa insidente.

Isasailalim ang suspek sa drug test. Sa impormasyon ng pulisya, dati nang pumasok si Jamisola sa rehab dahil sa paggamit ng ilegal na droga.

Nasa mabuting kalagayan naman daw ngayon ang sanggol, na nasa pangangalaga ng mga magulang ng biktima.

Hustisya ang kanilang panawagan.

Reklamong parricide ang kakaharapin ni Jamisola. â€” BM, GMA Integrated News