Isang 12-anyos na mag-aaral ang nasawi, habang 28 iba pa ang sugatan nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang jeep sa Diffun, Quirino.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay Gregorio Pimentel.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, idinahilan umano ng driver ng jeep na nawalan ng preno ang sasakyan kaya nangyari ang insidente.

Makitid din umano ang daan sa naturang bahagi ng bundok. Kasama rin iniimbestigahan ng awtoridad na overloaded umano ang jeep.

Pababa umano sa sentro ang naturang jeep na siyang sinasakyan din ng mga estudyante pagsapit ng Biyernes.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ng biktima, habang wala pang pahayag ang driver ng jeep, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News