Patay ang isang barangay kagawad matapos siyang malapitang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa labas ng isang driving school sa Sta. Maria, Bulacan.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Aldrin Santos, kagawad ng Barangay Poblacion 2 sa Marilao, Bulacan.

Batay sa imbestigasyon, nagtungo umano ang biktima sa nasabing driving school para maghatid ng ilang gamit.

Sa kuha ng CCTV camera ng driving school, makikita na nakikipag-usap na sa labas ang biktima sa isang kaopisina nang lumapit ang salarin na nakasuot ng puting helmet at jacket, at malapitan siyang pinagbabaril.

Kaagad na tumakas ang salarin matapos matumba ang biktima na binawian ng buhay.

Ayon sa saksi, tila pinag-aralan ng salarin ang galaw ng biktima, at sadyang inabangan.

"Naglalaro pa raw sa cellphone tapos tinatanong pangalan ni konsi. Kaya namin nalaman mag-isa kasi pag-alis siya lang sa motor na dala-dala at walang plaka," ayon sa saksi.

Ang mga kaanak ng biktima, blangko sa posibleng motibo sa krimen at wala raw silang alam na nakaaway nito.

Patuloy ang imbestiasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng gunman. --FRJ, GMA Integrated News