Agad na nasawi ang isang 22-anyos na rider matapos na mawalan umano ng kontrol sa minamaneho niyang motorsiklo at sumalpok sa kasalubong na truck sa Batangas City.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Angel Targa, residente ng Sto. Tomas, Batangas.

Sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis umano ang takbo ng motorsiklo sa diversion road sa Batangas City nitong Miyerkules ng gabi nang mapunta ito sa linya ng kalsada na tinatahak ng truck at doon na nangyari ang salpukan.

Lumilitaw umano sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad na nakainom ang rider.

Umaapela naman ng tulong ang kapatid ni Targa para maiuwi ang mga labi nito sa Bicol.

Ayon sa pulisya, nakipag-usap na umano ang kompanya ng truck at pamilya ni Targa.

Sinisikap na makuhanan ng pahayag ang driver ng truck, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News