Nagngingitngit sa galit ang isang driver ng pickup na kinompronta ang isang rider matapos itong mag-overtake umano sa gitna ng biyahe sa Guimbal, Iloilo.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na mapapanood din sa GMA News Feed, makikita ang paninigaw, panduduro at pananakit umano ng pickup driver sa rider.

Sinubukang awatin ng kasama niyang babae ang driver ng pickup, pero maging ang babae ay napag-initan din ng driver.

Makalipas ang ilang saglit, kusa ring sumakay ang driver sa pickup saka humarurot palayo sa lugar.

Ipina-blotter ng rider ang insidente.

Lumabas sa imbestigasyon na nag-ugat ang kanilang away matapos mag-overtake ang rider sa pickup.

“According sa kaniya, ginitgit siya at na-cut kaya napikon ang driver ng Nissan Navarra. Bumaba ang driver sa kaniyang sasakyan, kaya naman nagkasagutan ang dalawa,” sabi ni Police Corporal Carl Francis Boston, imbestigador ng Guimbal MPS.

“Makikita rin sa video na ipinost ng complainant na si Joven Quiros na hinampas ng driver ng Nissan Navarra ang kaniyang helmet,” dagdag ni Boston.

Dagdag pa ng rider, tila nakainom noon ang driver ng pickup, bagay na itinanggi naman ng driver sa isang panayam sa lokal na media ng Iloilo.

Pinabulaanan din ng driver na sinuntok niya ang rider.

Ayon sa driver, dalawang beses umano siyang na-cut ng rider. Sa ikalawang insidente, nagpreno siya nang malakas kaya nasubsob ang mga bata niyang pasahero.

Hindi na umano nakontrol ng driver ang kaniyang galit kaya kinompronta niya ang rider.

Humingi na siya ng paumanhin sa insidente.

“It is not good na mag-engage ka into road rage. Ang sa atin, in case may violation man ang isang motorista, you can document the violation and send us a complaint,” sabi ni Atty. Allan Sacramento ng Land Transportation Office – Region 6. —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News