Arestado ang isang lalaki sa Sto. Tomas, Batangas matapos umanong halayin ang kanyang tatlong- taong-gulang na apo.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras,” nangyari ang krimen sa kanilang bahay habang nagbebenta ng kandila ang ina ng bata nitong Easter Sunday sa simbahan. 

Nahuli ang  suspek sa isinagawang operasyon ng Sto. Tomas, Batangas Police.

“Hinding hindi ko po matatanggap. Hinding hindi ko po siya mapapatawad. Kasi po dadalhin po habangbuhay ng aking anak ‘yung ginawa niya,” pahayag ng ina ng biktima.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, hindi ito ang unang pagkakataon na inabuso ng suspek ang biktima.

“Apparently, pangatlong beses na ginawa ng suspek. So talagang hindi po talaga katanggap-tanggap ‘yung ginawa niyang kababuyan sa biktima na three years old lang,” ani Sto Tomas Batangas Chief Police Lieutenant Colonel Rodel Ban-o.

Samantala, hindi naman itinanggi ng suspek ang krimen.

“Hindi ko ho alam kung paano ko po nagawa ‘yun. Ne, patawarin mo ako,” ani ng suspek na nahaharap sa kasong statutory rape na walang piyansa. —NB, GMA Integrated News