Nasakote sa loob ng kuwarto ng isang motel sa Leyte ang isang lalaki, habang kasama ang isang 20-anyos na babae na tinakot at pinilit umano ng suspek na makipagtalik sa kaniya.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Saksi" nitong Biyernes, makikita ang pagsalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Eastern Visayas Regional Office, sa loob ng kuwarto na kinaroroonan ng suspek na si Francis NiƱo Niepes, 20,-anyos, sa bayan ng Tanauan.

Nasagip din ng mga awtoridad ang babaeng biktima, na nakilala ng suspek sa isang dating site.

Batay sa imbestigasyon ng NBI, nakumbinsi umano ng suspek ang biktima na magpakita ng maseselang parte ng katawan nito sa kanilang video call.

Pero ang hindi alam ng biktima, inire-record ng suspek ang video.

Ayon kay Atty. Jun Dongallo, Regional Director ng NBI-Easter Visayas Regional Office, ang naturang video ang ginamit ng suspek para i-blackmail ang biktima na makipagkita at makipagtalik.

Sa palitan ng mensahe ng dalawa, nag-alok ang babae na magbabayad na lang pero nagpilit ang suspek na gusto nitong makipagtalik sa biktima.

Nagbanta umano ang suspek na ia-upload ang video kapag hindi pumayag ang babae sa kaniyang kagustuhan.

Paalala ni Dongallo sa publiko, huwag magbibigay ng sensitibong mga larawan o video. 

Sinisikap pang makuha ang panig ng suspek, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News