Patay ang isang limang-taong-gulang na babae matapos siyang mahagip ng isang bus na nag-overtake umano sa Bilar, Bohol. Ang biktima, kabababa lang mula sa isang bus na nag-overtake umano ang nakadisgrasyang bus.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing papauwi na sana sa bayan ng Valencia ang bata, kasama ang tiyahin nang nangyari ang trahediya noong nakaraang Huwebes ng hapon.

Ayon sa pulisya, naunang bumaba ng bus ang bata at tumawid na mag-isa nang makita niya ang kaniyang tiyuhin na nasa kabilang bahagi ng kalsada at naghihintay.

Habang nakatigil pa ang bus na sinakyan ng biktima, isa namang bus na minamaneho ni Llander Barnido ang nag-overtake umano at siyang nakasagasa sa biktima.

Nagtamo ng malubhang sugat ang bata at kaagad na nasawi sa pinangyarihan ng sakuna.

Sinabi ng pulisya na hindi na nagsampa ng reklamo ang pamilya ng biktima laban sa driver ng bus matapos makipag-usap sa kanila ang pamunuan ng nakadisgrasyang bus. --FRJ, GMA Integrated News