Kalunos-lunos ang sinapit ng isang sanggol sa Baggao, Cagayan na natagpuang wala nang buhay, sunog ang kalahati ng katawan, at kulang ng isang binti.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing natagpuan ang patay nang sanggol sa likuran ng isang boarding house.

Ang may-ari ng paupahan ang siyang nakakita sa sanggol.

“Mayroong nakapagsabi na kapitbahay na roon sa likurang parte ng boarding house na iyon, mayroon siyang nakita na sunog kasi may mga puno ng saging doon at saka doon dati iyong pinagbabasurahan nila,” sabi ni Police Captain Jackelyn Urian, Deputy Chief ng Baggao Police Station.

Nakakabit pa ang umbilical cord ng sanggol pero wala na ang kaniyang kaliwang binti.

May hinala ng pulisya na posibleng kinain ng aso ang paa ng bata. Hinihinala ring sinunog ang sanggol na tinatayang limang metro lang ang layo kung saan natagpuan ang kaniyang katawan.

Hindi rin nakita ang taong nasa likod ng pagsunog.

“Base po sa imbestigasyon intentional ‘yung pagkakasunog nitong batang ito. Kung saan natagpuan ‘yung bangkay ng sanggol, kinokonsidera namin na sila muna iyong persons of interest,” sabi ni Urian.

May lumalabas umanong pangalan na siyang posibleng ina ng sanggol. Gayunman, patuloy ang beripikasyon at imbestigasyon ng mga pulis.

Inilibing sa isang public cemetery ang sanggol na pinangalanan at binasbasang baby Angelo. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News