Patay ang tatlong katao, kabilang ang isang buntis, samantalang siyam ang sugatan matapos silang tamaan ng kidlat sa Banate, Iloilo.

Sa ulat ni Ivan Aguana ng Super Radyo Iloilo sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Sitio Giragid, Barangay Libertad sa nasabing bayan.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Mila Soberano, 38-anyos; Rosalie Soberano, 48-anyos; at Britney Labos, na tatlong buwang buntis.

Nagtamo naman ng mga sugat ang Felomino Sadiang-ibon, 77-anyos; Janelyn Igona, 38-anyos; Carlo Soberano, 11-anyos; Jumar Soberano, 42-anyos; IJ Soberano, 29-anyos; Sharime Soberano, 20 anyos; Ivan Soberano, 44-anyos, at dalawa pang katao.

Sinabi ng mga nakaligtas na nag-aani sila ng uling nang biglang bumagsak ang malakas na ulan kaya sumilong sila sa isang kubo, pero tinamaan ito ng malakas na kidlat.

Agad dinala sa pinakamalapit na ospital ang mga sugatang biktima.

Dinala sa funeral parlor ang tatlong nasawi. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News