Sa halip na malungkot, buhay na buhay dahil maingay, makulay at mala-piyesta ang libing ng isang yumaong fashion designer, bilang kaniyang huling hiling sa Santa Rosa, Laguna.
 
Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, mapapanood ang mala-Mardi Gras feels na paghahatid sa huling hantungan ni Richard Barretto, isa ring costume designer.
 
Hiniling ni Barretto na bawal ang sad sa kaniyang libing.
 
Abril 25 nang makaranas ng cardiac arrest si Barretto, na ikinagulat ng marami.
 
Isa si Barretto sa mga tinitingalang designer, costume maker at mentor.
 
Nakapag-uwi na ng karangalan sa bansa ang ilan sa kaniyang mga obra.
 
Si Barretto rin ang mismong gumawa ng mga costume para sa parada.
 
Ang naturang parada ay nagsisilbing pagpupugay at pagbibigay-parangal kay Barretto kaya sa huling sandali, naisip nilang ipaalala sa tao kung saan nakilala ang kanilang “Kuya Koi.” —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News