Patay na at nakasalid sa drum nang makita sa loob ng isang bahay sa Bacoor City, Cavite ang isang babae na tatlong araw nang nawawala.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing suspek sa krimen ay isang American national na ka-live in ng biktima.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ruther Saquilayan, iniulat sa kanila na tatlong araw nang nawawala ang biktima. Nang puntahan nila ang bahay na tinutuluyan nito, doon na natagpuan ang kaniyang bangkay.

Dagdag ni Saquilayan, nagkaroon daw ng pagtatalo ng Pinay at ang dayuhan. Nabagok raw ang ulo ng biktima, sinakal ng suspek hanggang sa mapatay at isinilid sa drum.

Nasa kustodiya na ng Bacoor City Police ang suspek na mahaharap sa patong-patong na reklamo.—Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News