Nasawi ang isang lalaki na naglalakad sa gitna ng kalsada nang mabundol siya ng isang truck sa Camalig, Albay.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng lalaki.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na naglalakad sa gitna ng kalsada. Iniwasan siya ng ilang sasakyan pero nahagip siya ng truck na nag-overtake umano.

Nagtamo ng matinding sugat ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Samanta sa national highway ng Sto. Domingo, Ilocos Sur, nakuhanan sa dashcam ang pagsalpok ng isang Innova sa isang SUV.

Makikita sa video na bigla na lang lumihis ng takbo ang Innova at bumangga sa gilid na bahagi ng nakasalubong na SUV.

Ayon sa pulisya, idinahilan ng driver ng nakabanggang sasakyan na nagkaaberya sa kaniyang manibela kaya hindi na niya ito makontrol.

Ligtas naman ang mga sakay ng dalawang sasakyan at nagkausap na umano ang dalawang driver.--FRJ, GMA Integrated News