Nasawi ang isang bata na pitong-taong-gulang, habang sugatan ang kaniyang lolo nang mabangga ng isang 14-wheeler truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Hamtic, Antique.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na minamaneho ng lolo na si Filemon Cordova ang motorsiklo sa bahagi ng Barangay Villavert Jimenez nang mabangga ang mga biktima ng nakasunod na truck.

Nahulog mula sa motorsiklo ang bata at nagulungan ng truck. Tumilapon naman ang lolo at nagtamo rin ng mga sugat.

Sumuko naman sa pulisya ang driver ng truck na mahaharap sa kaukulang reklamo.

Sa Guimbal, Iloilo, nasawi naman ang isang babaeng anim na taong gulang matapos na mabangga ng motorsiklo sa Barangay Balantad-Carlos Fruto.

Ayon sa pulisya, kasama ng biktima ang ama nito para tumawid ng kalsada.

Pero nauna umanong tumatawid ang bata at nasalpok ng motorsiklo.

Nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo ang biktima, habang sugatan din ang rider.--FRJ, GMA Integrated news