Nasawi ang isang lalaki na may diperensiya umano sa pag-iisip at nag-aamok nang mabaril siya ng rumespondeng pulis sa La Carlota City, Negros Occidental.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na nakatanggap sila ng reklamo mula sa isang tricycle driver dahil sa pag-aamok umano ng lalaki.

Pagresponde ng mga awtoridad, sasakyan naman nila ang pinagbalingan ng lalaki.

Bilang depensa, napilitan umano ang isa sa mga pulis na barilin ang lalaking nag-aamok.

Naidala pa siya sa ospital ngunit pumanaw kalaunan.

Kinumpirma ng pamilya ng lalaki na ilang araw na siyang bayolente.

Ni-restrict at dinisarmahan naman ang mga rumespondeng pulis habang gumugulong ang imbestigasyon.

Hinihintay ang desisyon ng pamilya ng lalaki kung magsasampa sila ng reklamo. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News