Patay ang isang driver ng tricycle matapos siyang mabangga ng isang bus sa Magsingal, Ilocos Sur. Ang rider naman na umiwas sa nangyaring aksidente, nasawi rin nang madisgrasya ang minamanehong motorsiklo.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang mga nasawi na sina Henry Agoot Jr., 41-anyos na nagmamaneho ng tricycle, at ang 23-anyos na rider na si Donald Bautista, na magtatapos na sana sa kolehiyo.

Ayon sa pulisya, paliko sa national highway sa Barangay Barbarit si Agoot nang masalpok ito ng bus.

Idinahilan umano ng driver ng bus na nag-signal siya na mauuna pero namatay umano ang ilaw ng tricycle.

"Tapos nang biglang umilaw yung tricycle, bigla nang nag-left," ayon kay Police Leiutenant Rodel Ragasa, officer in charge, Magsingal Police Station,

Sakay naman ng kaniyang motorsiklo si Bautista at pauwi sa San Juan, Ilocos Sur, nang makita ang nangyaring aksidente na kinasangkutan ni Agoot.

Umiiwas umano si Bautista sa aksidente at bumalik.

"Dumiretso naman siya doon sa may gilid ng kalsada kung saan mayroong mga pinagputulan ng kahoy na siya na ring sanhi ng kaniyang pagkamatay," ayon kay Ragasa.

Hindi na umano nagsampa ng reklamo ang mga pamilya ng dalawang biktima matapos magkaroon ng pag-uusap ang mga sangkot sa nangyaring aksidente. --FRJ, GMA Integrated News