Nahuli ang suspek sa isang kaso ng pagpatay nang sitahin ng mga awtoridad ang isang menor de edad na rider na walang suot na helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo sa Cavite. Ang biktima sa krimen, itinapon ang bangkay sa sapa at tinangay ang kaniyang motorsiklo.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing hinarang ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) ang 16-anyos na suspek sa isang checkpoint sa Magallanes, Cavite para sitahin dahil wala itong suot na helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo.
Lumitaw din na walang plaka ang motorsiklo at walang lisensiya ang suspek.
Kinalaunan, napag-alam ng mga awtoridad na suspek ang menor de edad na rider sa kaso ng pagpatay ng tunay na may-ari ng motorsiklo na gamit nito.
Ayon sa pulisya, tugma ang mga dokumento sa motorsiklong gamit ng suspek, sa nawawalang motorsiklo ng biktima.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, inamin umano ng suspek ang nagawang krimen na nangyari noong nakaraang Oktubre.
Kainuman umano niya ang biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo dahil sa kalasingan. Nasakal niya ang biktima na dahilan ng pagkamatay nito.
Mayroon umano siyang isang kasama na tumulong sa kaniya para ihulog sa sapa ang katawan ng biktima.
Mahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek.-- FRJ, GMA Integrated News