Nauwi sa krimen ang inuman ng apat na tauhan sa Philippine Army sa Banaue, Ifugao nang mapag-usapan at pagtalunan ang tungkol umano sa "duty."
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang mga nasawi na si Staff Sergeant Andrew Dulnuan, Civilian Active Auxiliary (CAA) Alfone Maguiwe, CAA Sanny Bumad-ang, at CAA Jebilie Banghuyao.
Ayon kay Police Major Richard Ananayo, hepe ng Banaue Police Station, si Banghuyao ang bumaril sa tatlo niyang kasamahan sa loob ng kanilang kampo sa Barangay Viewpoint.
Matapos barilin ang tatlong biktima gamit ang M16 Armalite rifle, nagbaril din umano sa sarili si Banghuyao.
"Nagkaroon ng inuman sa mess hall nila. May naungkat na isyu regarding sa duty-han nitong mga Civilian Active Auxillary. Sabi ni SSG. Andrew Dulnuan sa suspek, pag-usapan nila kinabukasan na para mas maipaliwanag sa kaniya kung bakit ganoon ang sistema ng duty-han nila,” ayon kay Ananayo.
Pero sa halip, kinuha umano ni Banghuyao ang kaniyang armalite at pinaputukan ang mga kasamahan. Kasunod nito ay itinutok umano ng suspek ang baril sa sarili at saka kinalabit ang gatilyo.
Sinusubukan pa ng GMA Regional TV One North Central Luzon na makuhanan ng pahayag ang Armed Forces of the Philippines (AFP) tungkol sa nangyaring insidente. --FRJ, GMA Integrated News