Tadtad ng saksak ang isang lalaki na natagpuang nakahandusay sa gitna ng kalye na unang inakala na naaksidente sa Pototan, Iloilo.

Sa ulat ni Kim Salinas sa Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente noong Miyerkules ng madaling sa Barangay Malusgod.

Ayon sa pulisya, ang mga tanod sa kalapit na barangay ang nakakita sa biktima na dinala nila sa ospital dahil sa pag-aakalang naaksidente ang lalaki.

Sa ospital, idineklarang dead on arrival ang biktima at nadiskubre na mayroon itong 20 saksak sa katawan.

Hinihinala na pinatay sa ibang lugar ang biktima at itinapon lang sa kalsada kung saan ito natagpuan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nakilala ang biktima na residente ng bayan ng Calinog.

Napag-alaman din ng mga awtoridad na suspek sa mga insidente ng pagpatay ang lalaki sa bayan ng Janiuay at maging sa kaniyang barangay sa Calinog nito lang nakaraang Pebrero.

Pinaniniwalaang paghihiganti ang motibo sa pagpatay sa biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon para matukoy kung sino ang nasa likod ng krimen.-- FRJ, GMA Integrated News