Patay ang isang rider makaraang bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa sinusundang kotse sa Nasugbu, Batangas. Ang biktima, tumilapon kaya nasagasaan ng isa pang kotse.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente nitong Linggo ng gabi sa Barangay Banilad.

Ayon sa pulisya, nagtangkang mag-overtake ang 22-anyos na rider pero nag-alangan kaya bumangga siya sa sinusundang sasakyan.

Matapos bumangga, tumilapon ang biktima sa kabilang bahagi ng kalsada at doon naman siya nasagasaan ng isa pang kotse.

"Nagipit siya sa overtake kaya bumangga siya dun sa rear portion nung vehicle 1," sabi ni Police Major Ricaredo Dalisay, Deputy Chief Nasugbu Police Station. "Nang tumilapon siya paparating naman yung vehicle 3, nabangga [siya]."

Ayon sa pulisya, may paunang pag-uusap na ang kaanak ng nasawing rider at ang mga driver ng dalawang kotse.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng rider at ang dalawang driver, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News