Tinaga sa leeg habang natutulog sa kanilang bahay ang isang batang lalaki sa Davao City. Ang suspek sa krimen, ang sarili niyang ama.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang trahediya noong Linggo ng gabi sa Barangay Marilog Proper sa nabanggit na lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, natutulog ang 10-anyos na biktima kasama ang kaniyang 16-anyos na ate, nang tagain siya sa leeg ng kaniyang ama.

Nagising naman ang babae at kaagad nakatakbo palabas ng bahay para humingi ng tulong.

Nang dumating ang mga pulis, nakita ang suspek na patay na rin ilang metro mula sa kanilang bahay.

Nag-iwan umano ng sulat ng suspek na humihingi ng tawad sa kaniyang asawa na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Ayon sa kapatid ng suspek, nagkuwento ito tungkol sa paghihinala na niloloko siya ng kaniyang asawa.

Nagpaalala ang Women and Children's Protection Desk ng kapulisan na ireport sa kanila o sa barangay kung may mapapansin na pagbabago sa kilos o pag-uugali ng mga kasama nila sa bahay.

Habang ang Philippine Mental Health Association, nagbibigay naman ng mental health at psychosocial support sa mga taong nangangailangan ng makakausap

Maaaring makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng kanilang social media page.-- FRJ, GMA Integrated News