Nasawi ang isang tricycle driver matapos siyang mabangga ng isang SUV at pumailalim sa isang truck na nasa kabilang linya ng kalsada sa San Nicolas, Ilocos Norte.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita sa CCTV footage na nasa tamang linya ng daan ang tricycle nang biglang umarangkada ang SUV na unang nakatigil sa gilid ng daan.

Sinalubong ng SUV at nasalpok ang tricycle, na dahilan para mahulog ang driver nito at pumailalim sa truck na nasa kabilang linya ng kalsada.

Sugatan din ang misis ng tricycle driver na pitong buwang buntis. Maayos na ang kanilang lagay.
Ayon sa pulisya, sumuko ang driver ng SUV.

Samantala sa Santa Catalina, Negros Oriental, nasawi ang isang mag-asawa at anak nilang pitong-taong-gulang na sakay ng motorsiklo nang makabanggaan nila ang isa pang motorsiklo.

Nakaligtas naman ang bunsong anak ng mag-asawa.

Nasawi rin ang rider ng nakabangaan nilang motorsiklo.-- FRJ, GMA Integrated News