Patay ang isang 26-anyos na lalaki matapos barilin habang nagpapahinga sa duyan sa kaniyang bahay sa Pamplona, Camarines Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nakita na lang ang biktima na duguan at patay na sa kaniyang duyan sa balkonahe ng bahay nitong Linggo ng hapon sa Barangay San Isidro.

Ayon sa awtoridad, dalawang tama ng bala ang tinamo ng biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.

"Based sa mga na-gather naming information doon, ‘yung victim natin ay wala namang nakakaaway, tahimik at mabait naman daw ‘yung victim. Pero ang tinitingnan naming ngayon ay sa trabaho ng biktima and sa affairs, lovelife, lahat po iyan. Pero sa ngayon, wala pa talaga kaming masasabi kung ano ‘yung motive," ayon kay Police Major Michael Vincent Fortunado, hepe ng Pamplona Police Station. --FRJ, GMA Integrated News