Dobleng sakit ang nararamdaman ng isang ina sa Cebu City matapos na mamatay ang kaniyang anak, at makulong pa ang kaniyang asawa.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing nakulong ang 64-anyos na ama, dahil sa ginawa niyang pagbaril na nagresulta sa pagkasawi ng kaniyang 28-anyos anak sa Barangay Lahug nitong Lunes ng gabi.

Sa imbestigasyon ng Mabolo Police Station, lumitaw na unang nakipagtalo ang anak na biktima sa kaniyang ina dahil sa ilaw na pinapapatay na para makatulog na sila.

Pinagsabihan umano ng suspek ang kanilang anak, pero nagalit ang biktima na kumuha ng kahoy at ipinalo sa kaniyang ama.

Tinamaan at nagkasugat sa leeg ang ama, na kumuha naman ng baril at ipinutok para bigyan umano ng babala ang anak.

Pero tinamaan sa ulo ang biktima na dahilan nang pagkamatay nito.

Ayon sa ina, nagsimula umanong magbago ang ugali ng kaniyang anak nang matuto itong gumamit ng ilegal na droga.

Posible umano hindi nila ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa ama. Gayunman, inihayag ng pulisya na puwede nilang ituloy ang pagsasampa ng kaso kahit umurong ang pamilya.-- FRJ, GMA Integrated News