Nasawi ang menor de edad na rider at ang angkas niyang 17-anyos na babae matapos silang bumangga sa kasalubong na bus sa Argao, Cebu.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa palikong bahagi ng highway sa Barangay Poblacion kaninang umaga.

Ayon sa pulisya, nawalan ng kontrol ang rider sa motorsiklo hanggang sa bumangga sila sa nakasalubong na bus.

Idineklara silang dead in arrival nang dalhin sa ospital.

Pawang walang suot na helmet ang mga biktima nang mangyari ang insidente.

Nasa kostudiya naman ng pulisya ang driver ng bus na mahaharap sa reckless imprudence resulting in homicide.--FRJ, GMA Integrated News