Duguang nakahandusay at wala nang buhay ang isang 25-anyos na lalaki matapos walang habas na pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Rodriguez, Rizal.
Nangyari ang insidente pasado alas-dos ng madaling araw nitong Linggo sa isang karinderya sa Sitio Harangan, Barangay San Isidro.
Ayon sa pulisya, kumakain ang 25-anyos na biktima nang siya ay barilin.
“Biglang dumating itong suspect, dalawa na naka-motor at walang habas na pinaputukan 'yung ating biktima. At hinabol pa ito. Doon sila nagpang-abot sa may CR (comfort room) kung saan ay doon na namatay 'yung ating biktima,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Macasa Sabulao, chief of police ng Rodriguez Municipal Police Station.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba't ibang parte ng katawan ang biktima.
Bakas pa ang ilang tama ng bala sa pintuan ng CR.
Narekober sa crime scene ang limang basyo ng bala.
Wala raw CCTV sa lugar pero sa tulong ng mga saksi, natukoy ang pagkakakilanlan ng isa sa dalawang suspek.
Base sa imbestigasyon, dati na raw nakulong ang biktima dahil sa droga.
“Malaki ang posibilidad na drugs ang kanilang pinag-ugatan nito at onsehan sa droga,” ayon kay Sabulao.
Patuloy ang manhunt operation sa dalawang suspek na mahaharap sa reklamong murder.
Kasiglahan Village
Samantala, isa pang insidente ng pamamaril ang naganap naman sa Kasiglahan Village sa Barangay San Jose noong Miyerkoles.
Isang lalaking 22-anyos ang sugatan matapos barilin umano ng sumpak ng kaniyang kapitbahay.
“Nagkaroon sila ng biruan na hindi maganda at hindi nagustuhan ng suspect 'yung isinagot ng biktima natin. At ang sabi, 'Maghintay ka lang.' At 'yun nga, ilang sandali lang at kumuha nga ng sumpak at dalawang beses nga itong binaril 'yung ating biktima,” sabi ni Sabulao.
Nagtamo raw ang biktima ng tama ng bala sa ilang parte ng katawan kabilang ang dibdib.
Kasalukuyan siyang nagpapagaling sa ospital.
Ayon sa pulisya, patuloy ang pagtunton sa suspek na nasa watch list din daw ng barangay.
Sasampahan siya ng reklamong frustrated murder. —KG, GMA Integrated News