Umalingasaw ang masangsang na amoy at lumitaw ang ilang bangkay sa City Memorial Park sa Cagayan De Oro City matapos na siraan ang ilang nitso at ninakaw ang mga bakal.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing may mga bangkay na nakitang nasa labas na ng mga winasak na nitso.

Nangyari ang insidente sa lumang bahagi ng naturang sementeryo sa lungsod kung saan ninanakaw umano ang mga bakal sa mga nitso.

Aminado naman City Local Environment and Natural Resources Office (CLENRO) na may problema talaga ng pagnanakaw ng mga bakal sa sementeryo.

Noong nakaraang taon, dalawa katao umano ang inaresto tungkol sa naturang gawain ng pagnanakaw.

Ayon kay CLENRO Chief, Engineer Armen Cuenca, naglagay na sila ng mga guwardiya sa sementeryo maging sa gabi kung kailan umaatake ang mga kawatan.

Nanawagan din si Cuenca sa mga kaanak ng mga nakalibing sa sementeryo na makipag-ugnayan sa kanila dahil ang ibang mga bangkay ay nasa labas na ng nitso.--FRJ, GMA Integrated News